Sunday, March 15, 2009

Handog sa kanyang Ina

Handog sa kanyang Ina

Mga tauhan:

Ben – labing apat na taon at nag iisang lalaki sa apat na magkakapatid.

Tagpuan:

Sa kanilang bahay…

Buod:

Sa kanyang paglalakad, sari-saring tindahan ang kanyang nakikita. Gusto niyang

ibili ng regalo ang kanyang ina na may kaarawan. Ngunit hindi sapat ang kanyang pera

upang mabili ang bagay na gusto niyang ibigay sa kanyang ina.


Naisip nya n asana ay mayaman na lang siya upang mabili niya ang kanyang gusto at

maibigay sa kanyang ina ang isang malaking regalo. At ikakatutuwa nito ang gagawin ng

anak.

Naubos ang pera ng kanyang Ama dahil kalalabas lamang ng kanyang Ina sa Ospital. At ito ay payat na payat. Kaya’t inaasahan niya ang kanyang sarili na makapagbibigay kahit na payak lamang na regalo.

At naisip niya na bumili na lamang nang ballot dahil sa kakapusan ng pera. Nang siya ay nakauwi na. Inilagay ito sa kwarto ng kanyang Ina at isinabit ito sa kama. Maya-maya’y nagalit ang kanyang ina dahil sa nabasag ang ballot at nabasa ang likod nito. At pinagalitan si Ben. Nang aminin ni Ben na siya ang naglagay nito ay nag iba ang timpla ng kanyang ina at nagkaroon ng konting kurot sa puso dahil sa ginawa ng kanyang anak.


4. Simbolismo: Ang regalo ang sumisimbolo sa kwentong ito sapagkat ito ay nagpapakita ng pagmamahal at pagsusukli sa mga taong nagmamahal sa iyo.


5. Layunin ng Awtor: Layunin nito na “HINDI KAILANGANG MAHAL ANG PAGMAMAHAL.”

6. Pagsusuri:
Anumang ihandog mo o anuman ang ihandog sayo. Malaki man o maliit o maliit dapat ay marunong kang magpahalaga.

Sa Mga Kukuha ng Copy.... Pls. Read!!!!

Pagbasa at Pagsuri ng mga piling Akda ni Rogelio Sicat
Sinuri ng grupong “Mga Illustrados”


Kinabibilangan nina:



Aaron Peralta
Arvee Ann Viray
Carlo Leis
Christian Edgar Mark Inot
Edralin Puyot
Glenjoy Saynes
Mark Louie Benito
Michael Harold Cope
Rose Marie Gabriel



Filipino II/CB


Gng. Neriza C. Pesigan
Guro






Talaan ng Nilalaman


I. Ang Talambuhay ni Rogelio Sicat



A. Impeng Negro
Sinuri nina Edralin Puyot at Aaron Peralta



B. Tata Selo
Sinuri nina Arvee Ann Viray at Glenjoy Saynes



C. Sa Lupa ng Sariling Bayan
Sinuri nina Mark Louie Benito at Michael Harold Cope



D. Moses Moses
Sinuri ni Rosemarie Gabriel



E. Handog sa Kanyang Ina
Sinuri nina Christian Inot at Carlo Leis

_________________________________________________________________________________





First of All, thanks po sa lahat ng mga naki cooperate sa group namin sa Fil02/CB ng AMA East Rizal... "ANG MGA ILLUSTRADOS"

Pinasasalamatan din po namin ang aming makulit at kwelang guro na si Ms. Neriza C. Pesigan. Sana po ay makatulong po sa inyo ang aming proyektong ito....

Ang iba po dito ay buod na lamang kasi ang hirap mag type e.... Basta kayo nlang po ang bahala....

Sa Lupa ng Sariling Bayan

Sa Lupa ng Sariling Bayan

Tagpuan:
San Roque, Quezon City, San Fernando,

Tauhan:
Layo - Atty. Pedro Enriquez
- Naulila ng Maaga sa magulang at inampon ng kanyang malupit at kuripot na Amain na

kapatid ng kanyang Ama.

- Nagsumikap at nagging isang tanyag na abugado sa Lungsod.
Tiyo Julio - Ang natitirang kamag-anak ni Layo
Ben - Ang Anak ni Tiyo Julio
Ising - Ang asawa ni Layo
Fe - Ang Anak ni Layo at Ising
Tata Indo - Kapatid ng Ama ni Layo. Ang malupit at kuripot na Amain na nag ampon sa kanya.
Gallego - Pinaka mayaman sa San Roque at nagmamay –ari ng isang poultry.

Buod:

Bata pa lamang ay naulila na ito sa magulang. Kaya’t Inampon ito ng kanyang tiyuhin na si Tata
Indo. Lahat ng pagmamalupit ay naranasan niya sa kamay ng kanyang Amain. Kaya’t siya’y nagsumikap
Na abutin ang kanyang pangarap. Naging manunulat siya sa isang pahayagan sa kanilang bayan at sa gabi naman ay nag aaral siya. Hanggang sa makatapos siya ng pag aaral at naging topnotcher. At naging isang tanyang na abugado sa Maynila at nagkaroon ng isang malaking bahay sa quezon City. At napangasawa niya si Ising na taga San Fernando at nagkaroon sila ng Anak. Sa kabila nang kanyang katanyagan ay hindi nya pa rin malimutan ang sakit at sama ng loob na dinanas nya sa san roque kahit na nangamatay na ang mga gumawa nito sa kanya. At loob ng mahabang panahon ay hindi siya pumunta umuwi doon upang dalawin ang puntod ng kanyang mga magulang. Hanggang sa isang araw ay lumapit sa kanya ang Tiyo Julio niya upang magpatulong ukol sa lupa. Hindi naman ito nabigo sa paghingi ng tulong kay Layo.
Ikinagulat ng lahat nang malaman na mayroon siyang kanser. Labis ang kalungkutang nadarama ng kanyang pamilya. Itinatago niya ang takot na nararamdaman. Ipinipilit niya na huwag siyang ilibing sa san roque dahil sa galit at poot na nararamdaman niya. Ngunit pinayuhan ito ni Tiyo Julio na sa kalaunan din ay naintindihan niya at napatawad niya ang mga taong nagpahirap sa kanya noon. At Iniuwi rin ang kanyang katawan sa San Roque at doon na rin Inilibing.




Simbolismo:
Katanyagan at kayamanan… Ang sumisimbolo sa akdang ito. Marapat lamang na matuto tayong lumingon sa pinaggalingan kahit na saan man tayo makarating. Anumang pait ang nakaraan.

Layunin ng Awtor:
Layunin nito na kung anuman ang naranasan natin noon sa mga taong umalipusta at umulila sa atin ay dapat matuto tayong magpasalamat at patawarin sila. Sapagkat kung hindi nila ginawa iyon ay hindi tayo makararating kung anuman tayo ngayon. Kung hindi natin naranasan ang ipinaranas nila sa atin ay hindi tayo lalago at matututo.

Kakintalan: (Impresyong iniwan ng mambabasa)
Sa bawat takbo at yugto ng buhay ay ikaw ang gumagawa. Kaya’t marapat lamang itong pagbutihin at dapat ay maging handa sa lahat ng pagsubok na haharapin.

Pagsusuri:
Sa akdang ito, nararamdaman ko ang impresyon ni Layo na parang gusto niyang maghiganti sa mga taong nagpahirap sa kanya. Gusto niyang ipamukha sa kanila na “Heto nako Ngayon” Ngunit hindi niya ito magawa dahil kahit papaano ay utang parin niya sa kanyang Amain ang kanyang buhay sa pagkupkop sa kanya. Ginawa na lamang niya itong inspirasyon upang umunlad ang kanyang buhay.

Moses Moses

MOSES, MOSES

1. MGA TAUHAN:
REGINA CALDERON- 48 TAONG GULANG, BALO, ISANG MAESTRA
TONY- PANGANAY NIYANG ANAK, ESTUDYANTE
AIDA- 18 TAONG GULANG, ANAK NIYANG BABAE
2. TAGPUAN:
SA KANILANG TAHANAN




3. Buod:



Isang gabi, nag-uusap si Regina at Ana.napag-usapan nila ang tungkol sa nangyari kay Aida. Si Aida ay nagahasa ng anak ng Alkalde. Si Aida ngayo’y hindi parin makapasok sa paaralan dahil siya’y na-trauma at wala siyang maiharap na mukha sa kanayang mga kaklase. Kaya’t kumuha ng leave si Regina sa pagtuturo upang mabantayan niya si Aida.

Tapos, biglang dumating sa bahay nila ang Alkalde kasama ang isang Konsehal. Naparoon sila upang humingi ng dispensa sa nagawa ng anak ng Alkalde at ninanais nila na i-urong na lamang ni Regina ang pagsampa sa kaso. Ngunit hindi pumayag si Regina dahil akala niya’y hustisya ang mananaig.

Nang umalis na ang Alkalde at Konsehal, nag-usap si Tony at Regina. Gusto ni Tony na i-urong na ang pagsampa ng kaso dahil sa kalagayan ngayon, ang hustisya ay hindi na nananaig. Ang malakas, makapangyarihan, at mayaman na ang hustisya, sila ang laging mananaig. Ang nais na lamang ni Tony ay mapatay ang anak ng Alkalde. Buhay sa buhay kumbaga. Pinaalala rin ni Tony ang nangyari sa kaniyang ama. Nang namatay kasi ito, hindi nila nakamit ang hustisya. Pero, ipinagpilitan parin ni Regina na itutuloy niya ang pagsampa ng kaso.

Matapos ang usapan, sumulpot si Ana at sinabing sinusumpong nanaman si aida, kailangan ni Aida ng tranquilizer upang siya’y kumalma. Kaya’t nagpabili ng gamot si Regina kay Tony. Nung nakaalis na si Tony, nasabi ni Regina kay Ana na malaki na ang pinagbago ni Tony. Biglang dumating si Ben at tinanong niya kung nakaalis naba si Tony. Tumugon si Regina. At inamin ni Ben sa ina na may dalang baril si Tony dahil binabalak niyang patayin ang anak ng Alkalde. Binilin ni Tony si Ben na huwag itong ipagsasabi ngunit nagawang sabihin ito ni Ben.

Nagising si Aida at bumaba mula sa kwarto. Dumiretso siya sa cabinet at naghahanap ng gamot ngunit natabig niya ang isang bote ng gamut at ito’y nabasag. Nagising mula sa pagkaka-idlip si Regina. Sinabi ni Aida sa ina na hinahanap niya ang gamut. Tugon naman ni Regina ay binili na ito ni Tony. Nang matanong ni Regina kung anong oras na, nagulat siya dahil hindi niya namalayang pasado alas-dos na ng umaga. Sinabi ni aida na hindi siya makatulog, kaya’t tinimplahan siya ni Regina ng gatas.

Naikwento ni Aida ang tungkol sa panaginip niya na pinapainom daw ng mga lagad ng anak ng Alklde ang kanyang kuya Tony ng lason, kahit anung pilit daw niya na humngi ng tawad ay patuloy parin pinapainom ng lason si Tony, ang masaklap pa sa panaginip na iyon ay ininom ni Tony ang lason. Takot na takot na kinwento ni Aida ang kaniyang panaginip.

Matapos ikwento ni Aida ang kaniyang panaginip na umabot hanggang umaga, biglang dumating si Tony na duguan. Sinabi niya na tumawag na si Ben ng taksi dahil parating na sila. Pinatay na ni Tony ang anak ng Alkalde, ngayo’y hinahabol na siya ng Alkalde at ng mga pulis. Iyon lamang daw ang paraan upang makuha ang hustisya. Ngunit sinabi ni Regina na mali ang nagawang paghihiganti ni Tony, na si Tony ay isa ng mamamatay-tao. Kinuha ni Regina ang baril at sinabing wag silang umalis dahil susuko si Tony. Nang nakarating na ang Alkalde, tinutukan niya ng baril si Tony ngunit tinabig ito ni Regina. Pinagtulung-tulungan ng mga pulis si Tony. Nang kinukuha na ng mga pulis iyong baril sa kamay ni Regina, sa hindi sinasadyang pangyayari ay nabaril ni Regina si Tony. At dinakip ng mga pulis si Regina dahil sa kasalanan niya.






4. SIMBOLISMO:
Baril – Sa akdang ito, inaakala nila na ang baril ang sagot upang makamit ang hustisyang inaasam
Mga tauhan. Ngunit heto rin ang magdadala sa kanila sa kapahamakan.

5. Layunin ng Awtor:
Layunin niya na iparating sa mga mambabasa kung ano ang nangyayari sa ating batas,
Hustisya, at karapatan bilang tao. Inilalarawan sa maikling kwento na kung gaano ka bagal
Ang hustisya. Na ito ay para lamang sa may pera at mahirap. Na kapag wala kang pera ay
Hindi mo makakamit agad agad ang hustisyang tinatamasa.

6. Kakintalan (Impresyon ng Mambabasa)
Dapat ay hindi natin inilalagay sa ating kamay ang hustisya. Ipaubaya na lamang natin sa
Diyos ang lahat. Dahil siya ang higit na nakakaalam kung anong gagawin nya. Matuto tayong
Maging mahinahon at wag maghiganti sa mga taong nagkasala sa atin.

7. Pagsusuri:
Sa Hustisya, dapat ay walang mayaman at mahirap. May pera ka man o wala, karapatan
Nating makamit ang hustisya kapag tayo ay naargabyado nang kung sinong tao. Dapat din ay
Huwag nating ilagay sa ating mga kamay ang batas. Iwasan nating marumihan ang ating
Pangalan.

Tata Selo

1. Tagpuan: San Roque, Poblacion,
Sakahan, Tanggapan ng Alkalde, Tanggapan ng Pulis(Istaked)

2. Tauhan: (Pangunahing Tauhan) Tata Selo
Kabesang Tamo- mayamang may-ari ng Sakahan at Sinanlaan ni Tata Selo sa Sakahang dati niyang pag-mamay-ari
Saling- anak ni Tata Selo
Alkalde,Pulis, Mga ilang magsasaka at mamamayan, isang bata

3. Buod:
Ang panitikan ay salamin ng buhay. Ito’y isang representasyon ng mga karanasan sa buhay ng tao sa tulong ng mga salita. Sa kuwentong ito, alamin kung anong mga pangyayari sa mga tao sa lipunan ang malinaw na pinapaksa ng may akda.



4. Simbolismo:
Isang matibay na bagay na makakapagbigay ng malalim na simbolismo sa istorya ay ang "tagak". Dahil sa pagsusuring ito, umikot ang at nagbigay sabik sa istorya ang pagtaga ni Tata Selo sa kay Kabesang Tamo. Ang tagak din ay nagbigay suspense sa tila isang masipag at mapagmahal sa pamilya na si Tata Selo.

5. Layunin ng Awtor:
Ang maaring maging layunin ng awtor dito ay ang paglalathala ng isang karanasan na sumasalamin sa buhay ng isang tao.. Isang karanasan na base sa totoong buhay ngunit sa kaso ng Tata Selo ay mas pinaniig pa ang akda upang mas lalong maging epektibo at madamdamin sa mambabasa.







Tata Selo

Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay nap no na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.
“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po n’yo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.
“Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
“Lintik na matanda!”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.
Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.”
“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”
“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”
“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.
“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka,” anang hepe.
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya?”
Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon ka siguro ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.
“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.
May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa. Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itinatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang magsasabi...”
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigisang sa kanya.
“Tata Selo...Tata Selo...”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.
“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod...
Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa kanila...










6. Kakintalan: Sa mga mambabasa ng nito, nag-iwan ito ng tila "deductive approach" dahil na rin sa tila trahedyang nasapit ng bida (Tata Selo) sa istorya. Naging malungkot ang "impact" na naiwan ng istorya sa mga mambabasa nito.

7.. Pagsusuri: Base sa aking sariling pag-unawa ng akdang Tata Selo ay masasabi kong malungkot na agad, sa simula ang istorya. Malapit ito sa katotohanan na masasabi ko namang malaki ang tiyansa na nanggaling nga mismo ito sa karanasan ng isang tao. Ngunit, upang mas lalong mapaniig ang damdamin ng mambabasa ay mas ginawa pa ni Rogelio Sikat na mas "ekspresiv" ang mga eksena.. May malaki ring kontribusyon ang uri ng lipunan sa kanyang akda.

IMPENG NEGRO

1. Tagpuan: Sa Gripo (igiban ng tubig)
2. Mga Tauhan:
Impen – Ang laging tinutukso sa gripo.
Ogor – Ang mahipit na kaaway ni Impen
Boy – Ang bunsong kapatid ni Ogor
Ang kanyang Ina at mga Agwador.
3. Buod:

Sa isang iskwater ay naninirahan si Impen at ang kanyang ina at kapatid. Sa tuwing aalis ng bahay si Impen bilang isang agwador ay lagi siyang pinagbibilinan ng kanyang ina na umiwas sa pakikipagaway lalo na kay Ogor.
Si Ogor ang siga sa lahat ng agwador sa kanilang lugar. Madals nitong tuksuhin si Impen sanhi panlabas na anyo nito. Anak siya ng kanyang ina sa isang negrong amerikano . Meron siyang kapatid na anak naman ng kanyang ina sa isang Amerikanong puti kaya ganon na lamang ang pagtukso sa kanya ng mga tao.
Isang araw sa kanyang pagiigib ay muli na naman siyang sinubukan ni Ogor. Pilit na isiningit ni Ogor ang kanyang balde nito kahit na si Impen pa ang nasa pila. Nakiusap si Impen kay Ogor na hayaan na lamang siya matapos ngunit hindi ito pumayag kaya naisip na lamang niyang umuwi.
Subalit sa kanyang paglakad ay pinatid siya ni Ogor at tumama ang pisngi niya sa nabitiwang baldeng tubig. Dahil sa dugong dumaloy sa kanyang pisngi ay agad nitong tiningala ang kaaway at tinawag ang pangalan nito. Nagulat si Ogor at mabilis siya nitong sinipa. Nagpambuno ang dalawa. Subalit bigla ang paglakas ni Impen. Natalo at napasuko niya si Ogor. Ganoon na lamang ang pagkamangha ng mga kapwa niya agwador. Sa pagkakataong ito, pangingilagan na siyang tuksuhin ng mga iyon.

4. Simbolismo:
Balde – Sumisimbolo ito ng kahirapan… Pero kahit na mahirap ang buhay dapat ay maging patas parin ang labanan.
Dugo – Sumisimbolo ito sa kwento nang pagiging malakas na loob o pagiging matapang. Na kapag nakita nang may dumanak na dugo o nasugatan ay lumalabas din ang tapang nang isang tao.








-Impeng Negro-

"BAKA makikipag-away ka na naman, Impeng."Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
"Hindi ho," paungol niyang tugon.
"Hindi ho...," ginagad siya ng ina. "Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo'y lagi ka ngang mababasag-ulo."
May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.
Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa'y naghilamos.

"Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo," narinig niyang bilin ng ina. "Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili."
Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.
Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok.
"Nariyan sa kahon ang kamiseta mo."
Sa sulok ng kanyang kaliwang mata'y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.
"Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha."
Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. nagsisikain pa.
Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama'y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.
Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
"Yan na'ng isuot mo." Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.
Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo'y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.
Nagbalik siya sa batalan. Nang siya'y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.

"Si Ogor, Impen," pahabol na bilin ng kanyang ina. "Huwag mo nang papansinin."
Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor.
Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:
"Ang itim mo, Impen!" itutukso nito.
"Kapatid mo ba si Kano?" isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
"Sino ba talaga ang tatay mo?"
"Sino pa," isisingit ni Ogor, "di si Dikyam!"
Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:
"E ano kung maitim?" isasagot niya.
Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa'y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.
"Negrung-negro ka nga, Negro," tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso...Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya'y isang sundalong Negro na nang maging anak siya'y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

"Sarisari ang magiging kapatid ni Negro," sinabi ni Ogor. "Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!"

Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.
Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati'y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!
Napapatungo na laamang siya.
Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula't mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.
Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana'y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.
Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.
Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila'y nasa labas pa niyon.
Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba't di iikli ang pila? naisip niya. Makasasahod din ako.
Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:
"Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!"
Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.
"Negro," muli niyang narinig, "sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!"
Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya'y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?
Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya'y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.
Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.
"Negro!" Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. "Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig."
Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.
Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.
May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.
Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig.
"Gutom na ako, Negro," sabi ni Ogor. "Ako muna."
Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. "Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e," giit ni Ogor.
Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
"Ano pa ba ang ibinubulong mo?"
Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak.
Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!
Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
"O-ogor...O-ogor..." Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. "Ogor!" sa wakas ay naisigaw niya.
Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.
Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.
"O-ogor..."
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya'y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
Si ogor...Sa mula't mula pa'y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor?
Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya'y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.
Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin. Papatayinnn!
Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!
Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro. Negro!
Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok...
Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
"Impen..."
Muli niyang itinaas ang kamay.
"I-Impen..." Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. "I-Impen...s-suko n-na...a-ako...s-suko...n-na...a-ako!"

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya Abut-abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo't lupa ang kanyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya'y paghanga. Ang nakita niya'y pangingimi.
Pinangingimian siya!
May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa'y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan.

5. -Layunin ng Awtor:
Layunin niya sa akdang ito na sa anumang hamon ng buhay ay matuto tayong lumaban at harapin ang takot na nadarama. Dahil kung hindi mo ito haharapin ay paulit-ulit ka lang masasaktan.


6. -Kakintalan (Impresyong iniwan nang mambabasa)-
At matutong magtiis hangga’t maaring magtiis. Hindi bale nang pangit ang panlabas na kaanyuan basta’t malinis at maganda ang kalooban.

TALAMBUHAY NI ROGELIO SIKAT

Isinilang noong 1940, Rogelio R. "Sikat" Sicat iniwan niya ang San Isidro, Nueva Ecija noong 1950's para magtrabaho sa University of Santo Tomas. Pagkatapos maging campus writer at literary editor ng The Varsitarian , tinuloy niya hanggang maging isa siya sa mga sikat na pioneers ng Philippine literature sa pamamagitan ng pagpili ng Filipino bilang lenggwahe ng kanyang pagsusulat, at sa pamamagitan nag pagtalikod sa mga pag-alala at pakikipagtagpo sa mga "Western writers".

Ang mga gawa ni Sicat, na nagpabangon sa nakagawiang literature natin at nagpamulat sa atin sa kalagayan ng ating lipunan, unang nakita sa magasin na Liwayway. Nakakuha siya ng parangal sa Palanca awards noong 1962, at noong 1965 lumabas bilang antolohiya, Mga Agos sa Disyerto , sumunod sa mga magagaling na manunulat. Sumulat siya ng ilang dekada, at nakilala siya sa literary history bilang fictionist, playwright at professor, at ang pagiging dean sa University of the Philippines Diliman.

"Impeng Negro" at "Tata Selo", parehong gawa ni Sicat na isinadula sa isang pelikula, ay ilan lamang sa mga ginawa ni Sicat. Ang iba pa niyang mga gawa ay: Dugo sa Bukang-Liwayway , Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay , at ang dula "Moses, Moses". Namatay si Sicat noong 1997, pero pinarangalan sa huling pagkakataon sa pamamagitan ng National Book Award noong sumunod na taon para sa kanyang pagsasalin sa ginawa ni William J. Pomeroy na pinamagatang: "Ang Gubat: Isang Personal na Rekord ng Pakikilabang Gerilya ng mga Huk sa Pilipinas.